Pages

Friday, October 1, 2010

Bakit ‘jueteng’ lang ang pinag-iinitan ni Archbishop Cruz?


BUGALLON- Labis na ipinagtataka ni Mayor Rodrigo ‘Ric’ Orduna, pangulo ng Pangasinan Mayors’ League, kung bakit pilit na pinatitigil ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz ang sugal na jueteng samantalang marami pang uri ng sugal ang naglipana sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.
Ayon sa alkalde, mayroong dalawang kategorya ang sugal. Kung ang gobyerno ang tatanungin: mayroong legal at ilegal.
Kapag ang simbahan naman ang tatanungin, ang sugal ay masama at imoral, kahit ito ay legal at umaayon sa panuntunan ng pamahalaan.
“Kung totoong seryoso si Archbishop Cruz na ilayo sa imoralidad ang mga tao, ay dapat manguna siya na sugpuin ang lahat ng sugal at hindi lamang ang jueteng,” pahayag ni Orduna.
Aniya, maraming mga Pilipino ang likas na mahilig magsugal. “Ultimo score sa basketbol gaya ng “ending” ay pinagpupustahan pa. Pati nga laban ng insekto gaya ng gagamba ay malalaki ang pustahan, idagdag mo pa ang laban ni Pacquiao sa boksing,” dagdag pa ng alkalde.
May mga sugal na legal subalit hindi pa rin maiwasan na gumawa ng kahalintulad na sugal ang mga operators pero ilegal. Ang sabong ay legal pero mayroon namang “bolarit” na ilegal. Ang karera at jai alai ay legal pero mayroong mga nagbu-bookish.
Sa casino, may mga legal na card games, pero bakit may mga nagpapasugal din ng sakla, tong-its at lucky nine? Sa casino, may mga legal na slot machine, pero bakit mayroon pang mga video karera at  ameneng?
Ang PCSO ay may lotto, easy-two, at small town lottery na puro legal pero nandiyan pa rin ang jueteng?
“Ang dapat gawin ni Archbishop Cruz ay hikayatin niya ang mga tao na huwag nang magsugal, pero bakit hindi niya magawa ito at marami pa rin ang nagsusugal ng mga legal at ilegal? Hindi maganda na sisisihin pa niya ang mga pulitiko kung bakit hindi tumitigil ang sugal samantalang pagkukulang na ng simbahan kung bakit hindi sumusunod sa kanila ang mga tao,” pahayag pa ni Orduna.
Kapansin-pansin na maging si Father Ed Panlilio na naging gobernador ng Pampanga ay hindi rin nya napigilan na magsugal ang mga tao.
Ayon pa kay Mayor Orduna, ang jueteng ay lumawak sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila. “Hindi lang Kristyanismo ang dinala ng mga kastila kundi pati na rin ang sugal,” pahayag pa ng alkalde.
Kumpara sa ibang sugal, ang jueteng ang gustong-gusto na libangan ng mga tao.
Ayon sa ilang tumataya sa jueteng, imbes na ubusin nila ang oras sa paglalaro ng mahjong o tong its, ay nagagawa pa nila ang kanilang trabaho at hihintayin na lamang ang resulta ng nanalong numero.
“Kung ilan ang barya sa bulsa namin ay maaari na naming itaya sa jueteng imbes na buuin pa ang bente pesos kung tataya kami sa lotto at kailangan pa na pumunta kami sa palengke para tumaya,” pahayag naman ng isang mananaya sa jueteng.
Isa rin sa mga iniisip ni Mayor Orduna ay ang mga libu-libong kubradores na umaasa sa jueteng na kung ititigil ito ay wala nang alam na trabaho kung saan sila kikita para sa kanilang pamilya.
“Kung ang mga college graduates ay nahihirapan sa paghahanap ng trabaho, ito pa kayang mga kubradores na karamihan ay walang mga tinapos na edukasyon. Ang mahirap dito ay kung patitigilin ang jueteng at walang alternatibong trabaho para sa mga kubrador ay baka samantalahin sila ng mga drug lords at gawin silang mga drug pushers dahil kakapit na rin sila sa patalim,” dagdag pa ni Orduna.
Sinabi rin ng alkalde na hindi ang jueteng ang sanhi ng kahirapan ng Pilipinas gaya ng sinasabi ni Arsobispo Cruz. “Ang rason kung bakit marami pa rin ang naghihirap ay dahil walang mahanap na trabaho ang mga tao, dahil wala silang pinag-aralan, at dahil na rin sa minana na nila ang kahirapan sa buhay,” paglalahad pa ni Mayor Orduna.

No comments:

Post a Comment